“Babae po ako …… Mali ka dyan sa inaakala mo, babae po ako ……” Haaay, narinig ko na naman ang kantang ipinatutungkol sa aking sarili habang nakaupo sa dyip at pagod na pagod mula sa magdamag na pagkayod. Hindi ko na masyadong naintindihan ‘yung kanta dahil nasa isip ko ay makauwi at makapagpahinga agad.Sa pag-uwi ko, dama ko ang sobrang hirap at pagod. Mula sa tindahan ni Aling Nena, isang tindahang madalas kong nadaraanan, naroon na naman ang mga kapitbahay kong lasing patambay-tambay sa kabila ng hirap ng buhay. At magpapasaring na naman sa akin ng mga salitang “bading,bakla!” Sa gabi-gabing pag-uwi ko ay ito na lamang ang naririnig ko sa kanila. Dedma lang ako dahil hindi naman nila lubusang kilala ang aking pagkatao.
Agad akong dumeretso sa bahay. Ganyan naman ako, laging nag-iisa. Oo mag-isa pero marami akong
kaibigan. Sila ang mga kapiling ko kapag nagkukubli sa aking puso ang pangungulila. Wala kasi akong kapatid. Independent. Naalala ko tuloy si Mamanay. Isa siya sa mga dahilan kung bakit ganoon nalang ang pagtrato sa akin ng mga kapitbahay ko. Siguro alam mo na ang ibig kong sabihin. Ganoon na nga si Mamanay. Isa siyang BAKLA, BADASH, VAKLUSH o ano pa man ang tawag doon. Pero tanggap ko kung ano siya walang halong pagkukunwari at galit. Napakalaki ng utang na loob ko sa kanya. Siguro kung wala siya, wala ako ngayon sa mundong ito.
Sanggol pa lang ako noon ng iwan ng tunay kong ina sa harap ng bahay ni Mamanay. Kwento pa niya, noong una raw ay ayaw niya akong kupkupin ngunit may kaba sa kanyang puso. Sa bilis ng kabog nito, may bumubulong sa kanyang kunin ako at alagaan.
