[ BLOG HEADLINES ]


Girla-Loo

Posted by iisaw =) | Thursday, December 03, 2009



Ang Buhay ng Isang 
Girla-Loo

Icaptured Articles




“Babae po ako …… Mali ka dyan sa inaakala mo, babae po ako ……” Haaay, narinig ko na naman ang kantang ipinatutungkol sa aking sarili habang nakaupo sa dyip at pagod na pagod mula sa magdamag na pagkayod. Hindi ko na masyadong naintindihan ‘yung kanta dahil nasa isip ko ay makauwi at makapagpahinga agad.

Sa pag-uwi ko, dama ko ang sobrang hirap at pagod. Mula sa tindahan ni Aling Nena, isang tindahang madalas kong nadaraanan, naroon na naman ang mga kapitbahay kong lasing patambay-tambay sa kabila ng hirap ng buhay. At magpapasaring na naman sa akin ng mga salitang “bading,bakla!” Sa gabi-gabing pag-uwi ko ay ito na lamang ang naririnig ko sa kanila. Dedma lang ako dahil hindi naman nila lubusang kilala ang aking pagkatao.

Agad akong dumeretso sa bahay. Ganyan naman ako, laging nag-iisa. Oo mag-isa pero marami akong
kaibigan. Sila ang mga kapiling ko kapag nagkukubli sa aking puso ang pangungulila. Wala kasi akong kapatid. Independent. Naalala ko tuloy si Mamanay. Isa siya sa mga dahilan kung bakit ganoon nalang ang pagtrato sa akin ng mga kapitbahay ko. Siguro alam mo na ang ibig kong sabihin. Ganoon na nga si Mamanay. Isa siyang BAKLA, BADASH, VAKLUSH o ano pa man ang tawag doon. Pero tanggap ko kung ano siya walang halong pagkukunwari at galit. Napakalaki ng utang na loob ko sa kanya. Siguro kung wala siya, wala ako ngayon sa mundong ito.

Sanggol pa lang ako noon ng iwan ng tunay kong ina sa harap ng bahay ni Mamanay. Kwento pa niya, noong una raw ay ayaw niya akong kupkupin ngunit may kaba sa kanyang puso. Sa bilis ng kabog nito, may bumubulong sa kanyang kunin ako at alagaan.



Kaya kinuha ako ni Mamanay, pinalaki ng maayos at may takot sa Diyos. Lumaki akong bibo. Marami pa nga ang nagsasabi na nakapagpapasaya ako ng tao. Gusto ako ng lahat. May nagsabi pa nga, bakit di raw ako mag-artista tulad ni Aiza at Matet. Pero ayaw ni Mamanay, baka mapabayaan ko raw ang aking pag-aaral.

Noong nasa elementarya’t hayskul, halos walang nagbago sa akin. Isang ordinaryong mag-aaral na may kakaibang talento. Maliban sa mahusay daw akong magpatawa, pwede rin daw akong maging singer sa ganda ng boses ko. To the highest level ako palagi, hindi nauubusan ng energy sa katawan. Kilala ako bilang “The Kalog Queen of the Class”. Masarap at masaya raw akong kasama, totoo naman eh! Ngunit kaakibat ng mga papuring ito ang mga pangungutya ng marami sa aking “ina”. Bakla kasi ang Mamanay ko kaya ang tingin nila’y walang kwenta, walang moralidad. Pero iba siya sa mga baklang nagkalat sa iba’t ibang lugar ng ka-Maynilaan. Hindi siguro ako magiging ganito kung hindi sa pagtitiyaga niya.

Nagtapos ako ng elementarya’t hayskul na may karangalan. Upang maipadama ko ang pasasalamat sa lahat ng paghihirap niya sa akin, sa kabila ng pagiging miyembro niya ng third sex, nagsilbing modelo si Mamanay para sa akin. Kaya pati ang kilos at pag-uugali ay namana ko sa kanya.
Bago pa man ako mag-kolehiyo, nagpasya na si Mamanay na magtungo sa Japan para matustusan ang pag-aaral ko. Gusto ko kasing kumuha ng Mass Communication (MassCom) sa Unibersidad ng Santo Tomas. Mahilig kasi ako sa mga palabas sa telebisyon at entablado at pangarap kong maging bahagi ng mga ganitong malalaking proyekto.
Sa pag-alis ni Mamanay, si yaya ang nakasama ko ngunit hindi rin nagtagal at kailangan din niyang umalis. Nagkaroon kasi ng aksidente sa probinsya at namatay ang kanyang anak. Wala raw kasiguraduhan ang kanyang pagbalik. Dito nagsimula ang pagiging independent ko. Hinarap ko ang mga pagsubok sa buhay ng mag-isa, yakang-yaka ko na ang mga susunod pa.


Isang gabi, habang mahimbing akong natutulog, nagising ako ng may narinig na kaluskus mula sa kusina. Natakot ako ngunit buong tapang na bumaba sa kusina, pagbukas ko sa ilaw, nakita ko ang isang lalaking may takip na panyong pula sa mukha. Nagnanakaw ng pagkain sa refrigerator ko. Kitang-kita ko ang kanyang mga matang takot na takot at may halong pagkagulat, kasabay nito ang mabilis na pagtakbo palabas na parang nakakita ng multo. Tiningnan ko ang paligid, wala namang nakagugulat sa bahay. Akalain mo siya pa ang may ganang matakot at magulat? Hindi ko na inireport sa pulisya dahil hindi ko naman namukhaan. Matapos kong isara ang pinto sa kusina, umakyat na agad ako sa kwarto. Doon ko napagtanto kung bakit takot na takot ‘yung magnanakaw dahil pagtingin ko sa salamin hindi ko pala naalis ‘yung mud cream sa aking mukha. Laking halakhak ko ng gabing iyon.

Ilang taon pa ang nakalipas, natapos ko rin ang kolehiyo. At take note, Cum Laude ang lola n’yo. Alay ko ito kay Mamanay. Nabigyang katuparan ang mga pangarap niya sa akin, ang makapagtapos ng may karangalan. Ngunit wala siya sa araw na iyon. Hindi niya naisabit ang medalyang handog ko sa kanya. Hindi niya nasaksihan ang pag-abot ko ng diploma. Pero ayos lang, naiintindihan ko naman. Hindi pa kasi tapos ang kontrata niya sa Japan, may isang taon pa siya bago makabalik dito sa bansa.

Madali akong nakahanap ng trabahong mapapasukan. Na-hire agad ako bilang production assistant sa isang documentary show sa isa sa pinakamalaking TV network sa bansa. Natural, nakilala ang lola mo sa pagiging bakla. Ganyan talaga eh, sikat!!!! Madalas akong nag-oovertime kaya gabi na kung umuwi. Para sa akin, ito lang ang tanging paraan para malibang ang sarili sa pangungulila kay Mamanay.

Biglang pumasok na naman sa isip ko ang mga nangyari sa akin kanina lang. Ang mga salitang BAKLA at BADING …… si Mamanay ba o ako ang tinutukoy nila? Malay ko sa kanila? Hindi naman ako mukhang bakla. Marahil sa kilos at pag-uugali, oo isa akong bakla. Ngunit isa lang ang masasabi ko …… Nagkakamali kayo dahil isang akong babae ……… OO, tunay na BABAE po ako!

blog comments powered by Disqus 0 comments
Related Posts with Thumbnails

Credits: ( Proudly Pinoy )

Hi I'm Iisaw =) Isa + Isaw = Iisaw :))
Welcome to my Blog Site! I'm currently reading few blogs on how to build a better blog while renovating this page. But of course, you can still drop by here. Don't forget to leave your links. Btw, Exhange Link or Text Link is also welcome here.
More Details About Me?

[ Click Here ]

Statistics & Trusted Ads:

Badge Exchange:


icaptured

Text Link Exchange:


-Pinoy Empty Column-